Ang Kuneho At Ang Pagong



Ito ay isang kuwentong pabula hango sa The Tortoise and the Hare ni Aesop.


Isang araw habang naglalakad si Kuneho ay nakasalubong niya si Pagong. Palibhasa makupad maglakad ang pagong kaya pinagtawanan ito ng kuneho at nilibak.

"Napakaiksi ng mga paa mo Pagong, kaya ubod ka ng bagal maglakad, wala kang mararating niyan." At sinundan iyon ng malulutong na tawa.

Labis na nainsulto ang Pagong sa mga sinabi ng Kuneho. Para patunayan na nagkakamali ito ng akala ay hinamon nya ang Kuneho.

"Maaaring mabagal nga akong maglakad, subalit matibay ang katawan ko, hindi mo ako matatalo."  Lalo lamang siyang pinagtawanan.

"Nabibigla ka yata Pagong, baka mapahiya ka lamang," wika ni Kuneho.

"Para magkasubukan tayo, magkarera tayo patungo sa ituktok ng bulubunduling iyon." Itinuro ni Pagong ang abot-tanaw na bundok.

Ganoon na lamang ang katuwaan ng mayabang na Kuneho sa hamon na iyon ni Pagong. Nagtawag pa ito ng mga kaibigan para manood sa gagawin nilang karera. Gusto niyang lalong libakin si Pagong sa harap ng kanyang mga kaibigan oras na matalo niya ito.  Nakapaligid sa kanila ang mga kaibigang hayop. Si Matsing ang nagbilang para sa pag-uumpisa ng paligsahan.

"Handa na ba kayo".

Magkasabay na tumugon sina pagong at kuneho. "Handa na kami!".

"Isa..Dalawa..Tatlo.!.takbo", sigaw ni Matsing.

Magkasabay ngang humakbang ang dalawa mula sa lugar ng pag-uumpisahan. Mabilis na nagpalundag-lundag si Kuneho. Halos sandaling minuto lamang ay naroroon na siya sa paanan ng bundok.  Nang lumingon siya ay nakita niyang malayung- malayo ang agwat niya kay pagong.  Patuloy sa kanyang mabagal na paglakad si pagong, habang pinagtatawanan siya ng mga nakapaligid na hayop. Hindi pansin ni Pagong ang panunuya ng mga ito. Patuloy siya sa paglakad, walang lingun-lingon.

Samantala, si Kuneho ay halos mainip na sa paghihintay na makita si Pagong sa kanyang likuran. Ilang ulit na ba siyang nagpahinto-hinto, pero wala ni anino ni pagong. Palibhasa malaki ang tiwala niya sa sarili, alam niya ang kakayahan tumakbo ng mabilis, ipinasya niyang maidlip muna ng makarating na siya sa kalagitnaan ng bundok. Tutal nakatitiyak naman siya ng panalo.

Patuloy naman sa kanyang mabagal na paglakad si pagong paakyat, hanggang sa marating niya ang kalagitnaan ng bundok, naraanan pa niya si kuneho na mahimbing na natutulog at malakas na naghihilik. Nilampasan niya ito at nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa marating niya ang hangganan ng kanilang karera. Nang magising naman si kuneho ay muli itong tumingin sa ibaba ng bundok, subalit hindi pa din makita si pagong. Humanda na siyang maglakad muli paakyat ng bundok, subalit ganoon na lamang ang gulat niya ng matanaw si pagong na naroroon na sa ituktok ng bundok. Naunahan na pala siya.


ARAL:
Ang kuneho ay labis ang tiwala na mananalo kaya tumigil ito sa gitna ng paligsahan at nakatulog. Ang pagong kahit mabagal ay patuloy na naglakad at hindi tumigil hanggang sa dulo ng karera. Gaya ng pagong, hindi basehan ang bilis upang manalo. Kahit dahan-dahan basta't tuloy-tuloy ay kaya mong mapagtagumpayan anuman ang karera ng buhay. 

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Tatlong Maliliit na Baboy

Ang Uwak At Ang Pitsel