Ang Alamat Ng Sampaguita



Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matatanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo’y panahon ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay barangay na magkapit-lugar. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan, na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroong isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapua’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin, sila ang nag-aasikaso sa kanyang panganagailangan. Maraming binatang nangingibig sa kanya, ngunit ang nabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng Gagalangin na nagngangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit nagkaibigan ang dalawa gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita, walang halong pag-iimbot, walang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hangganan gumawa si Delfin ng isang lihim na lagusang madaraanan papunta kay Rosita. Kung gabing maliwanang ang buwan, malimit daw mamasyal si Rosita kasama si Delfin. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinapanood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hangganan ng bakod ay binuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatwid ay nabawasan ang kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

Sabihin ninyo, anya sa mga utusan, na ibalik ang bakod sa dating kinatatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sinabi sa kanya ang bilin ng datu roon. Sabihin ninyo sa inyong datu, na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan ng aking mga nuno. Nag-alab ang dugo ng ama ni Delfin sa tinanggap niyang balita. Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na pananagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samantalang ang kanyang ama ay bihasa na sa pakikipaglaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig niyang makausap si Delfin upang himuking iurong na ang digmaan at mapayapang makipag-usap na lamang. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan ay lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa hangganan ng bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanang ang buwan at magkikita sila ni Rosita, kasama ang mga abay nito.

Nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na manggagamot ang datung ama nito, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi na siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon na lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga barangay at dumating ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami na ang tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalo na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalawang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. Sumpa kita! Sumpa kita! ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, ay wala naming nakikita. Napansin nila na ang tinig ay nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan, maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno na mababango ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alaala ng mga matatanda ang kaysaysayan nina Delfin at si Rosita.

Ang kuwento’y nagpasalin-salin sa maraming bibig, at ang Sumpa kita! na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga namamatyag ay naging Sampaguita, na siyang pinangalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumubo sa puntod ng magsing-irog.

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Tatlong Maliliit na Baboy

Ang Uwak At Ang Pitsel

Ang Kuneho At Ang Pagong